I. INTRODUCTION
A. Background of the Study
Matagal na tayong magkaibigan. Parehong only child, madalas tayong pinagsasama ng mga magulang natin para maglaro. Kaso, takot ako sa babae. Hindi ako naniniwala sa cooties, pero sadyang may hiwagang bumabalot sa inyo na hindi ko lubos maunawaan noong bata pa tayo.
Pagdating ng high school, nahulog ako sa hiwaga. Simula noon, hindi ako nakawala.
B. Statement of the Problem and Objectives.
Kaso hanggang kaibigan lang ang turing mo sa akin, kahit first kiss natin ang isa’t isa (noong grade 5, at hindi na nasundan pa). Nag-pitik bulag lang tayo noong prom kasi ayaw mong sumayaw.
At kasi may boyfriend ka noon.
Nakailan ka na nga ba? Lagi ka na lang kasing umiiyak. Lagi rin naman ako ang iyong iniiyakan.
Kaya sana, ako naman.
Oras na para kumawala sa friend zone.
Para maging’ Tayo’.
C. Significance of the Study
Sabi nga ng Parokya: “Paano kung nasulat na sa notebook ng tadhana / Ang kwento ng pag-ibig tungkol sa ating dalawa?”
Diba? Baka ito ang dahilan kung bakit paiba-iba ka ng boyfriend, at wala pa rin akong girlfriend. Baka tayo ang para sa isa’t isa. Ilang beses nang ginasgas ang plot na ito sa mga kwento, tula, at kanta, kung saan ang isang tulad mo’y mahuhulog din sa torpeng tulad ko.
Gasgas, pero swak. Parang lumang sweater pero masarap pa ring suotin kapag malamig. Parang instant noodles na laging niluluto ni mama kapag may sakit ako.
Parang yung yakap mo sa tuwing magkasama tayo.
II. REVIEW OF RELATED LITERATURE
Nagkaroon na ng mga eksperimentong naglayong ipalabas ang totoong nadarama ng napupusuan. Kaso naging bigo ang mga ito. Kaya risky i-replicate.
At nabasa ko rin kasi yung diary mo. Naiwan mo sa bahay noong isang araw. Isang pahina lang naman ang nabasa ko. Kaso cryptic. Tungkol sa “walang humpay na paghintay sa hindi dumarating na pagkakataon.”
O baka nagko-quote ka lang ng Parokya.
III. STUDY FRAMEWORK
A. Theoretical Level
F=ma (Force = mass x acceleration).
Ayon sa lipnayan (o physics), ang force ay isang lakas na may kakayahang magdala ng pagbabago.
B. Conceptual Level
Kailangan ng isang klaseng force para maging tayo.
C. Operational Level
Gamit ang formula para sa Force, susukatin ang posibilidad na maging tayo gamit ang:
L=at, kung saan ang L ay love, ‘a’ ay attraction, at ‘t’ ay time. Mas mataas ang value ng love kapag i-multiply mo ang high-value t sa moderate a. Kung mataas naman ang a mo sa kaniya, mabilis mong mararating ang L kahit maikli ang t.
Pero tulad ng Force na walang kwenta kapag walang tatamaan, walang saysay ang Love kung wala naman kayong interaction.
D. Operational Definition of Terms
Gusto ko maging tayo, gusto ko maging iyo. Gusto kong gustuhin mo, o kaya nama’y kailanganin. Pero hindi dahil sa ibang dahilan, kundi ang L sa L=at.
E. Statement of Hypotheses
Dahil matagal na tayong magkaibigan, magiging magka-ibigan rin tayo.
IV. METHODOLOGY/RESEARCH DESIGN
A. Research Design and Methods
Qualitative ang approach ng pagsisiyasat na ito: dahil hindi kita kayang ireduce sa variables, kahit mainam ang iyong vital statistics at isa kang 10 out of 10.
B. Concepts and Indicators/Variables and Measures
Matagal na tayong magkaibigan. Simula highschool naman ako nagka-gusto sa iyo. Sabihin mo nang sampung taon. Mataas ang value ng t.
Ikaw pa rin ang gusto ko kahit marami ka nang naging boys, seryosong relationship man o laro lang. Sa palagay ko, mataas na value iyan ng a.
Ergo, mahal kita. Pero paano ko ipapamukha sa iyo ang obvious?
C. Research Instruments
Nagsimula tayong mag-date. Usual sine tapos dinner, na ako lahat ang taya. “Wow, rich ka ngayon ah.” “Sweldo kasi, at malakas ka sa akin.” Ihinahatid kita sa inyo, tapos laging sinasabi ni Tita na “alam mo, wala na sila ng boyfriend niya” sabay kindat, na kinokontra mo ng three-tone pronunciation ng “Ma naman!”
Lagi tayo magka-chat, tapos nagkakayayaan sa mga dati nating laruan: yung swing kung saan ka tumalon tapos sinalo kita, yung fast food kung saan nag-baseball cap ka at nagpanggap na bading na nakayakap sa akin habang nag-oorder ng 2-piece chicken na pinaghatia’t nilunod sa gravy, yung coffee shop kung saan tayo nagkita the day after prom at kung kelan mo sinabi sa aking “I’m breaking up with my boyfriend” at akala ko magiging tayo na.
Pero hindi pala. Kaya sana ngayon, oo na.
D. Units of Analysis and Sampling
Hawak mo lang ang kamay ko sa lahat ng pamamasyal natin. May mga batang tumakbo pasalubong sa atin sa dati mong highschool, pero imbes na kumawala, itinaas mo lang ang kamay mo, na naka-lock ang mga daliri sa akin.
Tapos ngumiti ka sa akin, at tumawa.
Ito na sana.
E. Data Gathering/Generation and Construction
Tinanong ako ni tita, diretsahan. “Mahal mo ba ang anak ko?”
Wala akong nasagot kundi ang mahinang “opo.”
Niyakap niya ako at bumulong na “ingatan mo siya.”
F. Data Analysis
May basbas na ni Tita. Si Tito na lang.
G. Scope and Limitations
Pero hindi naman sila ang gusto kong makarelasyon. Kahit anong payag nila, sa iyo pa rin nakasalalay.
V. RESULTS AND DISCUSSION
“In love pa rin ako sa kaniya.”
Siya pa rin pala. Tulad ng ikaw pa rin para sa akin.
Nandoon tayo sa coffee shop, isang taon mula nang nagsimula tayong lumabas. Iyan ang una mong linya pagkaupo namin. Wala ito sa isandosenang scenariong pinaghandaan ko.
“Pero mahal kita.”
VI. SUMMARY AND CONCLUSION
A. Summary
Isang buwan mo akong hindi kinausap…
B. Conclusion
…and counting.
VII. IMPLICATIONS AND RECOMMENDATION
A. Theoretical Issues
Baka inakala mo, halaman ako. Or forever friend. BFF na male version, asexual, hindi potential mate.
B. Methodological Issues
Nabigla kita dahil nabigla rin ako. Pero magtitiwala na lang ako sa formula: na kahit katiting lang ang iyong pagtingin, magkakaroon ng L dahil sa t.
C. Practical Issues
Kaya maghihintay na lang ulit.
At babasahin ang SMS mo na kakarating lang.
“Let’s meet at our coffee shop in an hour? (^_^)”
________________________
Naging basihan para sa post na ito ang FORMAT GUIDEBOOK FOR THESES AND DISSERTATIONS, College of Mass Communication, UP Diliman (2008)