Paano mag-spoken word: tips para newbies mula sa isang hindi marunong | Agosto Series


Una. Magdeklara. Isang pangako. Paniniwala. Basta malakas na panimula. O kaya nama’y magbilang, o hatiin ang tulang walang sukat ngunit may tugma sa iba’t ibang hakbang ng paggawa. Maaaring ang unang bilang ay akma talaga sa pinagbasihan hanggang sa makarating ka sa

Ikalawa. Ang kabig. Ibahin agad ang daloy ng kwento. Huwag nang patagalin ang pagbabalatkayo ng iyong akda dahil sa malamang ay tungkol ito sa hugot at wala namang iba kaya naman ang

Ikatlo ay maaring isang maikling tulay para maitawid mo ang iyong kwento sa

Ika-apat. Ang mas malaman sa iyong malayang taludturan dahil ang ikatlong hakbang ay hindi naman talaga ganoon kahalaga para sa iyo ngunit kailangan pa ring pagdaanan. Parang commute, awkward lunch break, o kaya nama’y tuli. Ngunit iba ito. Kaya mo nga minadaling lagpasan ang pinagdaanang hakbang ay para makarating ka dito. Sa ngayon. O baka sa kwento mo ay ang kunot-noong noon. Ilabas ang kaluluwa. Balikan ang unang hakbang at ipaalam nang hindi lantaran sa mga nanood na nagbago na ang kahulugan sa kanilang harapan. Magsimula ka sa simula. Magmadali habang sila’y namamangha, dahil kailangang paspasan ang bigkas sa bahaging ito dahil masyadong mahaba ang naisulat mo at kung hindi ay makakatulog na ang makikinig bago ka makarating sa

Ikalima. Hinga. Ilang beses mo na itong nakita kay Juan Miguel Severo. Pagkatapos ng panlilisik ng kaniyang mga matang nagpipigil lumuha kasabay ng panginginig sa bawat bigkas ng pantig ay may paghinto. Kalma. Kung ang pang-apat ay nagsusumigaw, bumubulong naman ang lima, dahil patungo ito sa

Ika-anim. Paulit-ulit mong sabihin ang isang linyang bahagyang iba ang dulo. Paulit-ulit mong sabihin ang isang linya dahil mahalaga ito  Ulitin nang mas maikli hanggang sa maipalalang nag-iba ang kahulugan nito bunsod ng mga nauna mong sinabi.

Balikan ang simula.

Hinga.

Baliin ang gawa-gawang batas.

At bago magwakas,

Maglabas ng malupit na linya.

___________

Notes: Ang cover image ay kuha ko noong nag-perform si Juan Miguel Severo sa TedxDiliman.

Paalala, huwag po masyadong seryosohin ang sinulat ko. Maraming salamat po.