Agosto Series: Relapse


Binugahan niya ako sa mukha.
Tinawanan pa nila ang aking pag-ubo. Totoy. Weirdo. Weakshit. Tuloy ang paghithit nila sa dilim. “Ang arte mo naman.”

Ilang taon na rin akong malinis. Matagal ko nang tinigilan ang bisyo ngunit sa tuwing nakakalanghap ako ng usok, nagbabalik ang nginig ng kamay ko.

Kaya lumalayo na lang ako, para iwasan ang sulasok ng anghit at usok.

Ngunit hindi kagabi.

Inusukan niya ulit ako sa mukha habang nangunguna sa pangungutya. Kaya sa susunod niyang hithit, kinuha ko na ang sigarilyo at pinasak sa kaniyang ilong. Sinuntok sa leeg. Kinuha ang kanyang sapatos para itarak takong sa batok ng dalawa niyang kasama.

May isa pa, at naiibsan na rin ang kirot sa aking paghinga. Wala siyang tatakbuhan.

Ilang taon na akong malinis. Matagal ko nang tinigilan ang pangangaso tuwing gabi. Bagong buhay kuno. Hindi na rin kasi kailangan.

Kaso, tulad ngayon, bigla kong naaalala kung gaano kasarap ang bawal.

Binato niya ako ng lighter. Sinubukan ko nga sa kaniya.

 

Author’s note: Noong 2009, may sinulat akong serye ng dagli tungkol sa isang teenager na ang bisyo ay pumaslang, bago pa naging buzzword ang tokhang.