Agosto Series: Tarak (redux) 1


Sa lahat ba naman kasi ng tututukan mo, ako pa.

*

Naalala ko noong bata ako. Nasa labas ng bansa ang mga magulang ko noon, at nakapasok sa bahay ang syota ng bagong-pasok na kasambahay.

Nakipagputukan ang mga magnanakaw sa mga rumespondeng pulis, mga pinadala ni ninong. “Pinapatay na kaming lahat,” ang huling salita ng mayordoma sa telepono bago siya binaril. Habang kumakalat sa sahig ang kaniyang dugo, nakatitig lang siya sa akin habang nakatago ako sa likod ng sofa.

Ibunubuka niya ang kaniyang bibig, pero dugo imbis na tinig ang lumalabas.

“Akyat ka.”

Nalingat ang magnanakaw. Saka ako tumakbo.

Muntik pa akong nadapa sa bangkay ng malanding kasambahay na may kasalanan ng lahat.

Malakas ang putukan habang patago ako sa loob ng aparador. Ito ang aking taguan tuwing naglalaro. Ligtas ako.

Ngunit may yabag. Na mabigat. Na unti-unting lumalakas.

Papalapit. Papasok sa kwartong nakalimutan kong i-lock.

Biglang bumukas ang aparador, at hinila ako ng kalaplapan kahapon ng kasambahay namin. Duguan. May hawak siyang baril, pero wala sa gatilyo ang kaniyang daliri.

Ihahampas niya sa ulo ko.

Sinipa ko ang suot kong tsinelas sa mukha niya, sabay kuha sa gunting na iniwan ng mayordoma sa pantalon kong inaayos niya kagabi lang.

Ipinasak ko ang gunting sa tuhod ng lalaki, tapos itinarak ko ito sa gitna ng dalawa niyang mata.

*

Tatlong taon na akong retirado dahil sa kolehiyo, pero dahil sa iyo, naalala ko kung paano nagsimula ang lahat. Salamat, binuhay mo uli “ako.”

Bilang pasasalamat, may limang minuto pa bago ka mawalan ng malay. Tapos sisiguraduhin kong hindi ka na gigising.

___________________________

Ito ay rewrite ng nawawalang sequel ng Kabog (2008), na siyang naging simula ng pagsusulat ko ng maiikling kwento/dagli/ficlet sa wikang Filipino.

UPDATE: Nahanap na ang nawawalang original version nito. Ipo-post ko dito soon 😀