Agosto Series: Tala


Magdamag akong nakatingala sa langit, tinatanaw ang mga talang sinasapawan ng ilaw ng siyudad. Sabi ni tatay, mahirap daw makita ang mga bituin dahil masyadong maliwanag ang Maynila.

Pinangako ko kina tatay, sumumpa sa ilang milyong kutitap, na aabutin ko ang aking pangarap para makatulong sa kanila. Ako daw ang liwanag ng kanilang buhay, at papakawalan nila ako para mas lalong tumingkad.

Ngunit madilim ang Maynila. Wala ang mga talang pinagsumpaan. Hindi ko alam kung saan pupunta. Paano magsisimula? Puno na daw sa lahat, walang matuluyan, walang pambayad sa ibang tulugan.

Akala ko nagsimula ulit umulan ngunit luha ko na pala ang bumasa sa hiram na kutsong inilagak sa labas ng isang dormitoryo.

Hinugot mula sa napabalitaang kondisyon ng ilang mag-aaral sa UP Diliman na wala pa ring matirhan. Salamat kay katotong Pat Alzona para sa pagsilip sa akdang ito.