Pumasok siya sa kwarto, nilapag ang drum sticks sa kama. Apat taon na siyang tumutugtog, sa likod ng mga kabandang laging nasa harap ng music videos, photoshoots, at concerts. Habang tumatalun-talon ang mga kitaristang kasama, mag-isa siyang humahampas.
May napulot siyang kwaderno: maitim, mukhang mamahalin, puting de-linya ang papel, at wala pang sulat. Dali-dali siyang umupo sa isang sulok, sinulat ang pangalan ng crush bago ang sa kaniya. “Masubukan nga ang FLAMES.” Saktong daan ni ni crush, nakatinginan.
“Girl, matagal ko nang hindi nakikita yung ampon mo ah. Ang pogi pa ng napili mong kupkupin! Mag-i-isang taong gulang na siya diba?” Naguguluhan ako. Ano ang pinagsasasabi niya? May bata bang kung maglakad ay parang hayop, at mahilig sa gatas?
“Ngunit ngayo’y malayo ka’t malabong mangyari” Pero naghintay ako. Diyan ako magaling, sabi mo, bitin sa banat ngunit mahilig magmatyag, sakto lagi sa timing. “Kung alam mo lang,” tapos wala nang karugtong ang lagi kong sagot. Kung alam mo lang talaga, may timing pa rin na kailanma’y hindi ko nakuha.