Agosto Series: Scientific Method (Version 1) 3


Problem: Gusto mo siya.

Hypothesis: Gusto ka rin niya.

Experiment: Ayon sa konsepto ng honne sa Japan, nilalabas ng isang tao ang kaniyang tunay na saloobin kapag nasa ilalim siya ng impluwensiya ng alak, sadya man o hindi. Sa tulong ng alcohol, kumakawala ang isang tao sa kaniyang tatemae, o pangharap na katauhan na mas pormal, mas pampubliko. Tulad na lang ng honne choco at giri choco: ang honne choco ay ibinibigay ng babae sa lalaking gustong-gusto niya kapag Valentine’s Day. Ang giri choco naman ay tinatawag ding obligation choco. Kumbaga sa Christmas gift, katumbas ng giri choco ang mug, medyas, at kandila. Pwera na lang kung nangongolekta ka talaga.

Gamit ang payak na konsepto ng honne at tatemae, kailangan mong ilabas ang kaniyang honne para malaman kung may pag-asa ka sa kaniya.

Ang pinakamadali, alak. Lasing man o tipsy, biruin siya ng: “Paano kung tayo?” Baunin ang kaunting kaalaman sa body language para malaman kung nasa honne  na nga siya.

Observations: Walang observation, nakatulog ka pagkatapos ng isang baso. Siya na ang nag-uwi sa iyo.

Conclusion: Change experiment.

________________________

(Ang pormang ito ay katulad ng ginamit sa Pagpupumiglas sa nakagapos na oras, hango sa akda ni G. Vlad Gonzales gamit ang Knapp’s Model of Relationship Escalation and Termination.)