Ikakasal ka na pala. Hindi sa akin. Malamang. Kasi wala naman akong ginawa. Kahit ilang beses kong ginustong mapalapit sa iyo, nakuntento ako sa awkward space sa pagitan ng acquaintance at family friend. At sa mga *mwahugs* sa YM. Natakot ako. Sana hindi ko na lang nalaman ang agwat nating dalawa, ngunit salamat na rin at nakilala kita, ikaw na dagdag sa alternate universes na likha ng iba’t ibang sana.
Torpe nga kasi ako noon diba. Walang diskarte. Tama lang naman dahil sino ba naman ang ako noon para maghangad ng isang ikaw na walang pinagbago?
Pero nakaraan na iyon. Masaya ka na. Masaya na ako. Kahit hindi tayo lumapit sa antas ng “tayo,” masaya ako sa iilang pagtatagpo ng landas.
Salamat, dahil inakala kong sa iisang tao lang maaaring mahulog. Salamat at hinayaan mo akong umasa sa bawat sagot at pansing ibinigay mo noon. Salamat sa mga biro, at sa payo kung hanggang ilang saksak ang counted as self-defense. Sana hindi ko kailanganing magamit ang tip na iyan.
Salamat sa pagkakaibigan. Hanggang sa muling pagbabalik-tanaw.