Agosto Series: Telegram


Kumusta? Kunwari hindi kita madalas ka-chat. Kunwari rin hindi ko alam ang ginagawa mo araw-araw, kasi kinukwento mo rin naman sa akin. Kahit pamulagat pa lang ako tuwing papikit ka na. Limang minuto. Minsan higit pa. Basta marinig ko lang na boses mo at maramdaman, kahit bahagya, na nandito ka pa rin. Nandiyan ka pa rin naman. Nakikita. Naririnig. Nasa kabilang dako nga lang ng screen.

Kumusta? Sanay ka namang wala sa bansa kaya alam kong masaya diyan, at masaya ka diyan. Ayos pa rin naman dito. Magulo pa rin. Nakapaligid pa rin ang masugid na tagasunod sa blackhole ng kaunlaran kaya madalas kitang maisip… Teka, hindi naman madalas. Minsan lang. Minsan sa bawat tatlong minuto siguro. Teka mabilis masyado ang tatlong minuto. Siguro lima. Medyo matagal. Apat. Tatlo’t kalahati? Paano ba.

Kumusta nga pala ulit? Ayos lang kahit naulit mo nang sabihin. Hindi naman ako magsasawa. At sana hindi ka pa rin nagsasawa sa ganitong klaseng kumustahan. Sa panakanakang pangungulit, pag-aalala, pagtatanong. Nadudulas ako minsan. Iba ang tinatawag ko pero pangalan mo ang nasasabi ko pero hindi iyon kinukwento sa iyo. Yata. Nakwento ko na ba? Hala. Wag ka feeling ha. Bahala na. Pero basta. Kunwari na lang hindi mo nabasa iyon. 

Basta alam ko kung ano ang hindi kunwari.

Kumusta?

(Unless otherwise stated, all Series posts are fiction.)