Pebrero Series: Sa(a)na tayo


Sana tayo.

Kung makikita ko lang sana kung saan ito patungo, gagawin ko para malaman kung dapat ba, tulad ng sabi ni Supremo, na hamakin ang lahat masundan ka lang.

Kahit saan.

Hindi na mahalaga kung saan man tayo pumunta basta makainom. Ayos lang kahit mahal dahil mahal naman ang… magmahal ba ang tamang salita? Swak ba siya sa bawat tingin na ayaw kumawala, sa bawat nagtatagal na linkis mo sa braso ko sa tuwing muntikan kang nadadapa, sa labas-kaluluwa mong halakhak na ako lang ang nakakakita? Hindi ko alam.

Sana nga.

Hindi pa malinaw kung saan tayo patungo. Medyo assuming ang gamit ng ‘tayo’ pero para naman kasi talagang ganoon. Walang tawag at tawagan sa kung anumang gagawin. Nasanay nang magbasagan. Magbasahan. Inis sa maikling tingin. Gutom sa kunot ng noo. Kaibahan ng totoo at pekeng amazement depende sa taas ng kilay.

Saan ba ito patungo?

Maghihintay? Kakapa? Kikilos? Tatakbo? Dapat nga ba? Ano pa bang dapat kong makita para maniwala, magplano, habulin ang pangarap na hinaharap kung saan tayo ay tayo? Saan ba tayo nagiging tayo?

Para saan? Ano ba ang proseso?

Sender

Simula pa lang, kinutuban na ako. May gulo, tulad ng sa kanta ni Taylor Swift. Tama naman, kasi ang laking gulo ng napasok ko. Isang inom. Naging tatlo. From end of day to start of day, every Friday to everyday.

Ang laki mong distraction.

Wala akong pakialam pero natuto akong magkaroon nito. Wala na akong hinahangad ngunit binigyan mo ako ng gugustuhin. Sanay lang akong tumanggap at matagal nang hindi nabigyan ng dahilan na magbigay…

Message

Ang gusto ko lang naman sabihin ay mahal kita. Wala nang “yata.” Alam kong kakasabi ko lang na hindi kailangang bigyan ng ngalan ang anumang meron tayo ngunit may tawag sa nararamdaman ko.

Channel

Pero hindi ko ito kailangang ipagsigawan. Mahal kita sa bawat puyat, sa bawat away, sa bawat sandaling naaalala mo siya, sa bawat pang-aasar mo sa akin sa iba tapos tatawa na lang ako internally dahil kung alam mo lang…

Receiver

Kung alam mo lang.

Effect

Hindi naman talaga ako umaasa. At gustong malaman mong masaya ako sa meron tayo, at sana napasaya rin kita sa labas ng alaskahan. Salamat, at paumanhin. Nakakatuwa lang isipin na pagkatapos nang ilang taon, saan na tayo?

 

This is a work of fiction (duh), using the SMCRE model of communication.