Pebrero Series: Ansabe


Niyakap mo ako. Hindi ko alam kung paano nangyaring mas gumanda ka pa. Ito ang pinakamasayang araw sa buhay mo, sabi mo.

Natutuwa ka at naroon ako. Marami tayong pinagdaanan kaya nararapat lamang na bahagi ako ng okasyong ito.

Marami tayong pinagdaanan. Napakarami.

“Ang dami mong gusto!”

Pero isa lang ang gusto ko: ikaw.

“Ang dami mong alam!”

Hindi ko alam kung paano tigilang mahalin ka.

“Ang dami mong arte!”

Umaarte lang ako na best friend mo.

“Ang dami mong sinabi!”

Pero hindi ko masabing mahal kita.

“Ang dami mong pasakalye!”

Kaya iba ang pinatunguhan.

“Congratulations.”

“Thank you! Magni-ninong ka ha!”