Agosto Series: Will


Mailap ang idlip sa lagalag na nakaligtas.Unti-unting bumigat ang kaniyang katawan, mga mata. Ang kaninang pagkaladkad ng paa’y naging pagapang na pag-usad.

Ipinahinga saglit ang ulo sa damuhan. Nahimlay.

Habambuhay.

Dapat.

Pero nagising siya. Gutom. Uhaw. “Hindi dito.” Mumunting patak ng lakas ang nagsimulang bumuhos mula sa langit, inipon sa sugatang mga palad. Walang hapdi, kundi saglit na kaginhawaan.

Pasikat muli ang araw. Kumakalam pa rin ang kaniyang sikmura, ngunit may lakas na uli ang kaniyang lalamunan.

Isang malalim na hinga.

“TULONG!”