Umasa ako.
Marami kaming pinagpilian mo, pero ako ang pinakamaganda para sa iyo. Siniyasat mo ang aking kutis at siko, mula ulo hanggang paa.
“Ang ganda niya.”
Kinilig ako. “Siya na ang kukunin ko.” Sabik ako sa pag-uwi mo sa akin, sabik kumawala sa aking matagal nang pagkakakulong. Magsasaya tayo hanggang magsawa ka: magugulat ka sa mga posisyong kaya kong gawin, sa mga nakatagong maaari kong ilabas, na malalaman mo lang kung alam mo ang mga… pipindutin.
Maglalaro tayo.
Pero tatlong taon na ang nagdaan mula nang bilhin mo ako: nakakahon pa rin, display lang.