Agosto Series: MRT


“Sa southbound ako.”

Pa-north ako. Hindi na naman tayo sabay. Minsan na nga lang magkita. Uwian, alas-singko. Biyernes.

Nasa magkabilang panig na tayo ng station. Nakaupo sa bench, sakto magkatapat. Kunwari may inaayos sa bag, tapos titingin sa harap, tapos biglang umiiba ang direksyon ng ulo mo. Tatlong ulit.

Dumating ang southbound train. Nawala ka kasabay ng pag-alis nito.

Nakatitig pa rin ako kung saan ka nakaupo. Iniisip na kaakit-akit ka pa rin. Pero hanggang saglit na tinginan na lang.

Hanggang sa muli.

Tapos bigla kang sumulpot.

“Uy, bored ako tonight. Sama muna ako sa iyo.”