“Ngunit ngayo’y malayo ka’t malabong mangyari”
Pero naghintay ako. Diyan ako magaling, sabi mo, bitin sa banat ngunit mahilig magmatyag, sakto lagi sa timing. “Kung alam mo lang,” tapos wala nang karugtong ang lagi kong sagot. Kung alam mo lang talaga, may timing pa rin na kailanma’y hindi ko nakuha.
“Ang aking pagtingin…”
Matagal na, bata pa lang tayo. “Tagal na nun a.”
“…ibulong na lang sa hangin”
Pabulong ko na lang sinabi sa aking “sana ako at hindi siya ang naghihintay sa iyo sa dulo.” Ngunit ilang “siya” na ba ang hinayaan kong tumangay sa iyo sa pag-asang magiging “ako” naman ang susunod?
“Pangarap na lang din.”
Noong bata ako, sinabihan ako ng mga magulang kong matuto daw akong maghintay para makuha ang gusto ko. Kaya ilang beses kitang hinintay. Walang nagbago. Minsan na akong nagtapat, hindi ka naman naniwala.
May mga pangarap palang nananatiling pangarap.
At kahit walang napala, wala pa ring nagbago.
Kahit huli na.
“Na gaya pa rin ng dati.”
______________________________________
Hugot ang italicized phrases mula sa last chorus ng nagwaging kanta sa Philpop Music Festival 2013. Ang inyong mga puna at kumento ay aking papahalagahan.