Stagnating. May nakatenggang itim na kwaderno sa itaas ng tokador. Espesyal daw ito: ganito diumano ang ginamit nina Van Gogh at Picasso, mga bantog sa sining, at ni Ernest Hemingway na kilalang manunulat.
Maganda nga naman yung kwaderno: matibay at matigas ang pabalat. Mukhang masarap sulatan ang mga pahina nito. Mapang-akit.
Pero merong iba na mas gustong bulukin sa isang lugar ang mga ganitong mga bagay. Sayang daw kasi kung gagamitin. Mahal daw. Pangdisplay na lang.
Ano ba ang saysay ng kwadernong walang sulat? Wala itong kapangyarihang manganak ng akda kapag tinititigan lang ito ng isang “may-ari”. Dapat itong binubuklat, pinapadaanan ang mga daliri sa mga blankong pahina na balang araw ay maglalaman ng iba’t ibang mga kataga. Para saan pa ang pagbili kung hindi mo rin gagamitin? Sinasayang lang ang pera at ginagawang diyos ang isang bagay. Hungkag.
Hindi nakakalikha ng isang manunulat ang kwaderno.
Ang manunulat ang lumilikha gamit ang kwaderno.
Avoiding. Pilit kong iniiwasan ang mga bagay na pumipigil sa aking paglayas tungo sa pagtuklas ng sariling lakas. Hinahanap ko kung saan nga ba lulugar, saan ilalabas ang nakakubling pagnanasang makalayo, maglakbay, pero tinatali ng oras ang aking kamay, pinipigilan itong kumumpas at mag-iwan ng mga markang para sa aki’y makabuluhan. Kailangang umiwas na matabunan at malipasan ng pagkakataon.
Terminating. Sa gitna ng napakaraming boses na tumatawag, nawaglit ako sa aking ulirat.
Initiation. Welcome to hell week.
Experimenting. Nasubukan mo na bang tumira ng kape at Extra Joss ng sabay? Effective daw siya kapag all-nighter. Ako, hindi pa. Ayokong subukan. Pero gusto ko talaga paghaluin ang magkaibang softdrinks sa iisang pitsel. Masarap. Unique ang fizz. Weirdo na kung weirdo, pero mas gusto kong pag-eksperimentuhan ang softdrinks kesa alak. Di kasi ako umiinom.
Pero di ko kaya kapag walang internet. Araw-araw akong online. As in. Lagi.
Dalawang linggo akong hindi mag-o-online. Try lang. Tignan natin kung saan ito tutungo. Siguro, sa panahong ito kami maglalakbay. Susubukan kung sa paraang ito mahahagilap ang isang bagay na mailap sa kasabawang nangyayari.
Intensifying. Kapapasok lamang ng balita. Pinaigting ng mga awtoridad ang paghahanap sa puganteng ideya na nakawala sa isipan ng isang binatilyo at nagsimulang maminsala sa mga inosenteng mangmang na nakakasalubong nito. Unang nakatakas mula sa isipan ang nasabing ideya matapos tambangan ng mga di kilalang mga takda ang sinasakyan nito patungo sa paglalapatan ng binata. Pinag-iingat ang lahat: lubhang mapanganib angkinin ang ideya. Kung sakaling mamataan ito, huwag lalapitan at marapat lamang na ipagbigay alam sa mga awtoridad o sa binata ang kinaroroonan nito agad.
Integrating. Minsan ang ideya kapag dumadating, parang bloke-blokeng kaisipang may kanya-kanyang kwento. Isang hamon ang pagtahi sa mga ito para makagawa ng isang maayos na mensahe. Iniiwasang maakalang wala lang ang akda. Post modernist shizz na “wala lang.” Kahit papano, sana ay maiparating ang nais sabihing hindi malinaw kapag binibigkas, kundi pinapalabas na lang sa paghagod sa bolpeng tila nauubusan na ng tinta sa dami ng pangungusap na nais ipabasa.
Mas mahirap pagsamahin kung hindi man lang nailalapat ang tinta sa pagsusulatan.
Bonding. Wala nang oras para magbonding. Pilit pinaglalayo ng oras ang magkapatid sa pluma, parehong nangungulila sa ideyang matagal nang nawawala. Kumusta na kaya siya, ang tanong ng magkatoto. Ilang deadline na rin ang lumipas, ilang akda na rin ang sana’y naisulat ang nasayang sa panahong magkalayo ang kamay sa panulat, ang isip sa katha, ang puso sa sinisinta.
Muling nagkita matapos ng mahabang panahon ang kwaderno na uhaw na uhaw sa pagdampi ng panulat sa linya ng kanyang laman. Isang matagal na yakapan, yapusan…
Muling nag-isa ang magkaibigan.
Differentiating. Iba iba ang paraan para sa pamamahayag. Kung ano ang swak, kung ano ang mas komportable, iyon ang bagay, parang custom made na damit. May mga gustong magsulat sa maingay, merong mas trip sa tahimik. Merong mga mahilig mag-outline, merong mas enjoy pag may pressure. Kanya-kanyang trip at diskarte sa pagsulat. Kung ano ang epektibo, iyon ang ginagawa. Kung saan ka masaya, suportahan ta ka.
Circumscribing. Pagtala ng hangganan. Boundary. Kung sa Econ, eto yung mga points na nagla-lie sa Production Possibility Curve ng Production Possibility Frontier. Hanggang doon ang kayang iproduce ng isang bansa given ng ilang oras at dalawang produktong kayang gawin. Hindi pwedeng lumampas sa kurbang iyon, inefficient naman daw kapag hindi umabot sa linya. Dapat swak, sakto sa curve.
Finals ko nga pala sa Econ.
Hanggang dito na lang muna. Para kasi mapalawak ang PPC sa PPF, kailangan ng karagdagang teknolohiya at/o mas maraming resources, at katunggali ko ang oras.
Pero hindi ito ang katapusan.
Nasa akin kung tutuldukan ko ang paghubog ng mga likha, paghabi ng mga katagang may tugma’t sukat o wala. Kung maari lang, tuloy-tuloy na ang pagkumpas ng mga kamay ng parang sa maestro konduktor ng isang orkestra.
Kaso limitado ang resources: papel, tinta, oras… Marami pang ibang kailangang gawin. Minsan, may nasasakripisyo para makuha ang ibang bagay. Opportunity cost.
May natutunan pala ako sa Econ kahit papaano.
Ilalapag ko muna ang panulat, isasara ang kwaderno. Ipipikit ang mata, kahit saglit lang.
Hanggang sa muli…
(Series ng maiikling kwento, o ‘dagli’ of ‘ficlet’, hango sa akda ni G. Vlad Gonzales gamit ang Knapp’s Model of Relationship Escalation and Termination. Huling akda para sa MPs 110, unang pinost sa Multiply noong March 31, 2009)