Pebrero Series: Label


Ganito ang sistema. May pambungad na “kumusta” kapag nagkikita sa umaga kahit alam kong alas-dos ka na nakatulog kakahintay sa part ng groupmate mo para sa report. Kunwari hindi ko alam, o nakalimutan ko lahat ng rant mo kagabi, o kaya nakatulog talaga ako. Pero alam namang hindi.

Nandoon ang hapong hinawakan mo ang kamay ko bago ang final exam sa klaseng kailangang ipasa. Ayokong hinahawakan. Hindi ako touchy. Ngunit sana dumami pa ang do-or-die finals kung ganito rin lang.

Sana ganito na lang.

Ayokong mawala yung agad kang nagsasabi kapag nakauwi ka na ng bahay.
Ayokong mawala yung alam ko ang gusto mong kainin kahit hindi mo na sabihin.
Ayokong mawala ang walang tanungan. Dahil alam kong alam mo. May kulang lang talaga.