Agosto Series: Bonfire


image

“Kailan mo ako sasagutin?”
“Kapag manalo ang UP sa basketball.”

Naloko na. Suntok sa buwan.

Dalawang taon akong naghintay, umasa sa panalong tatamisan ng iyong “oo” at tiwala sa pangakong “tayo.”

Kaso laging sawi, tulad ko sa iyo: akala magwawagi na ngunit nababaklas ang diskarte sa dilo. Ngunit laban pa rin, kahit ilang beses nang nauudlot at muntikang bumitaw.

Tapos ngingitian mo ako, sabay belat at “malay mo next time.”

Dalawang taon. Napasugod ako sa Sunken Garden pagkatapos mangyari ang inaakalang imposible.

At nalaman kong pwede ring sagot ang “hindi.”